“REAL SPICY PA RIN ANG TOP LOCAL”

KUWENTONG MANANAYA
By BUTCH MANIEGO
For Tumbok 06-17-2008

“REAL SPICY PA RIN ANG TOP LOCAL”

Lahat ng gustong umangkin ng korona ng pinakamahusay na local na kabayo sa ating bansa ay kailangan pa rin dumaan kay Real Spicy. At kahit may katandaan na kampeon, siya pa rin ang standard na dapat pagbasehan ng mga nagtatangkang maging best local horse.

Kasalukuyan, mukhang ang dalawang dominant local horses ay sina Real Spicy, anim na taong gulang, at si Native Land, na hindi na rin bata dahil pitong taon na rin ito. Noong Linggo, pagpasok ng last 600 meters ng PCSO 13th First Gentleman’s Silver Cup sa San Lazaro Leisure Park, ginawa na nilang two-horse race tulad ng inaasahan ng mga mananaya.

Kahit 59.5 kilos ang dala ng kabayo ni Hermie Esguerra, nakuha pa nitong lumayo ng unti-unti sa homestretch hanggang tumawid ito sa meta na lamang ng dalawang kabayo kay Native Land, na 57 kgs din naman ang dala. At ang naitalang tyempo ni Real Spicy para sa 2,000 meters ay maganda pa rin naman na 2:07.6 (24’-24’-26’-25-27).

Ang panalo ng anak ni Real Quier mula kay Spicy Tale ay kanyang ika-38 sa 57 career starts (67% win percentage) at nagbigay na naman ng P1.1-M kay Hermie Esguerra (plus P40,000 bilang breeder) at sa aking palagay, lalo siyang lumalayo sa larangan ng career winnings. Pero higit sa lahat, napatunayan niya na aberration lamang ang masamang talo niya kay Mercurio two months ago kung saan kulelat siya dumating. Five out of six na si Real Spicy this year at sa aking palagay maganda talaga ang kondisyon ni kabayo at baka sa dulo pa ng susunod na taon ito magre-retiro.

Samantala, hindi naman masamang hanapbuhay para kay Tony Tan, may-ari kay Native Land, na masegundo lagi kay Real Spicy sa malalaking stakes race lalo na kung ito ay mag-aakyat ng P350,000 every time. May mga nagiisip na baka makaulit ang anak ni Conquistarose sa dating stakes campaigner na si Fair Native (which means lahi siya ni Fair and Square) nang umungos ito ng bahagya papasok ng homestretch pero marami pa pala ang sakay ni Jeffril Zarate, na kailangan din puriin dahil hindi niya minadali si Real Spicy.

Natersero si Manhattan, na nasa top tier ng local horses pero wala naman siyang “round” ‘ika nga kontra sa dalawang nauna sa kanya. Samantalang ang mga sumunod pa sa kanila sa datingan – El Terrible, Bumble Bee, Vivere at ang disappointing na si Ididitmy way, ay marami pang kakaining “oats” para maging threat sa mga hari.

Sa kasalukuyan, wala pang mahusay na kabayo na nasa horizon (bukod sa namamahingang si Ibarra) ang mukhang puwedeng lumaban sa domination ni Real Spicy. Ang dalawang babaeng kampeon noong isang taon, sina Treasured Ack at Es Twenty Six, ay mukhang hindi na gagaling pa sa kanilang naabot na tugatog noong 2007.

At sa mga bata ngayon tulad nina Indelible Ink, Don Enrico, Shining Fame, Imperial Ballet at iba pa, panahon lamang ang makapagsasabi kung meron silang karapatan humamon sa hari.

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.